LEGAZPI CITY – Walo sa sampung lungsod sa buong mundo na palaging nahaharap sa natural na kalamidad ay nasa Pilipinas, ayon sa isang pag-aaral na tinukoy sa ulat ng Reuters.
Kabilang dito ang Tuguegarao sa Cagayan na nasa ika-2 puwesto; Lucena sa Quezon Province, 3; Maynila, 4; San Fernando sa Pampanga, 5; Cabanatuan sa Nueva Ecija, 6; Batangas, 7; San Carlos (walang binanggit na lalawigan sa ulat), 9; at Naga sa Camarines Sur (Bicol), 10.
Nangunguna sa listahan ang Port Vita sa Vanuatu habang ang Taipei naman ang pumuwesto sa ika-walo, sa pag-aaral na inilathala nitong nakaraang linggo ng risk analysis firm Verisk Maplecroft.
Sinusuri ng kompanya ang banta ng bagyo, pagbaha, lindol, tsunami, bulkan, pagguho ng lupa at sunog sa mahigit 1,300 lungsod sa buong mundo, ayon sa ulat ng Reuters.
Hindi isinali sa pag-aaral ang Legazpi City, pangunahing lungsod sa Bicol na malapit sa paanan ng aktibong Mayon Volcano, na siyang ikinatuwa ng mga local na opisyal.
"Pinatutunayan lamang nito na ang aming lungsod, kabilang sa tatlong most livable cities sa buong bansa na opisyal na kinilala, ay nakaraos na bilang highly prone sa natural na kalamidad tulad ng pagsabog ng bulkan, bagyo, pagbaha, lindol, tsunami at pagguho ng lupa," ani Alkalde Noel Rosal nitong nakaraang Sabado sa panayam ng Philippine News Agency.
Sinabi ng ulat na maliban sa dinadaanan ng 20 bagyo kada taon, ang Pilipinas ay nahaharap sa iba pang natural na kalamidad at banta na pinalalala pa ng kawalan ng kapasidad ng mga institusiyon at lipunan na mamahala, tumugon at makahulagpos sa mga katulad na mapaminsalang pangyayari.
Ikinokonsidera na "high risk" ang Pilipinas sa larangan ng kakayahan ng bansa na pamahalaan at pigilan ang epekto ng natural na kalamidad at bahagi nito ang matinding korapsiyon at mataas na antas ng kahirapan, ayon pa sa ulat.
0 comments:
Post a Comment